Teleserye Nanay Moments

 

Melodramatic  at OA daw ako. Pang-asar yan sa akin ng tatay ni Rio. Kapapanood ko raw ng mga teleserye kaya ako nagkaganyan.  Iyakin at laging pang-teleserye ang mga hirit ko. Tingin ko naman, mababaw lang talaga ang luha ko. Malungkot o masaya ang pangyayari, basta iiyak ako.

Minsan napapaisip ako at nakukumbinsi na nga rin.  Sige na, madrama na kung madrama. Tulad na lang ng eksena naming mag-ina noong isang gabi.

Lights, Camera, Action, Take 1!

Setting : Sa Big Bed. (Tawag namin sa kama para mapag-iba ni Rio sa kanyang crib at duyan.) Sa gabi, katabi naming mag-asawa si Rio sa Big Bed.

Lagi kaming nauunang mag-ina sa Big Bed. Playtime muna bago matulog.

Blocking: Harapan kaming mag-ina. Sa liit ni Rio sa akin, nakakatakang saktong-sakto ang mga mata naming nagtititigan. Habang nakatitig sa akin, bigla na lang ngingiti si Rio nang pagkatamis-tamis. Paulit-ulit yun. Titig, ngiti, titig, ngiti.

Flashback : Mga 10 buwan nang nakakaraan, pareho ng setting (gabi, sa big bed at nagpapaantok na), ingat na ingat ako sa pagtulog. Nakatagilid pakaliwa dahil mas maganda raw ang daloy ng dugo papunta sa bata sa ganung pusisyon. Habang papalapit ang Mayo, pahirapan na ang pagtulog. Naiiyak ako dahil sobrang bigat nang pakiramdam. Gusto ko nang manganak.

Balik na uli sa Current Setting: Iba na ngayon. Naiiyak ako dahil may katabi na akong bata. Habang tinititigan at nginingitian ako ni Rio, tumutulo na ang luha ko. (Note: Iyak as in iyak. Hindi ko na-achieve ang Hilda Koronel school of acting na sa kaliwang mata lang dapat tumulo ang luha) Hindi ako makapaniwalang titig at ngiti lang ni Rio, langit na ang pakiramdam.

Cut! Good take!

Ganyan ang mga titig ni Rio🙂

 

Big Bed Playtime

Nanay-Rio Bonding Time on the Big Bed

 

Kahit pa anong pang-aasar ng tatay ni Rio, proud ako sa mga teleserye nanay moments ko. Nangingilid ang luha ko kapag natutulog si Rio sa dibdib ko pagkatapos dumede. Gusto kong sumigaw sa saya kapag napapatahan ko siya, napapaliguan ko nang hindi umiiyak at napapangiti habang kinakantahan ng kung anu-ano bago matulog.

Parang teleserye talaga ang pagiging nanay. Tulad ng dramang sinusubaybayan, minsan nakakasawa ang araw-araw na script/routine naming mag-ina.  Pero kahit parang halos walang bago,nakatutok ka pa rin sa mga mangyayari. Makakatakas kaya ang bida? Makakatulog kaya agad mamayang gabi si Rio?

Sa totoo lang, nakakalungkot kapag patapos na ang isang teleserye. Inaabangan mo ang wakas pero ayaw mo namang matapos. Ganito rin ang ang pakiramdam na gusto ko nang lumaki pero sana magtagal-tagal pang beybi si Rio.

Ayan, tiyak habang binabasa niyo ito, sasabihin niyong tama nga ang tatay ni Rio. Melodramatic, OA, at drama queen nga ako.

Oo na nga. Aminado na ko. At may isa pa rin akong aaminin. Pagkatapos ng playtime namin ni Rio sa Big Bed, pumupuslit pa rin ako para panoorin ang huling episodes ng Minsan Lang Kita Iibigin. Last 2 weeks na kasi. Mamimiss ko si Coco Martin.

Teleserye adik talaga ang nanay mo Rio.

 

 

 

5 thoughts on “Teleserye Nanay Moments

  1. ganun ata talaga insan. maski ako ganyan. hindi na nga lang madrama ang teleserye ko ngayon. minsan, action na eh. makulit na kasi si sopya. kung minsan naman mara clara ang dating. ako si mara palaging inuutusan ni clara (si sopya). enjoy mo lang insan. maraming kwento pa yan. sabi nga nila. “Ito ang teleseryeng magbabago ng pananaw mo sa buhay”!. Naks!

    Like

    • tama ka garetski. parang ang dami ko lang gustong ikwento. kahit yung labor and delivery moments ko nga matagal ko nang balak isulat e.
      salamat sa pagsama mo sa akin sa byahe ng nanayhood kahit malayo ka🙂

      Like

  2. True… Melodramatic sa iba .. Pweo kung kapawa nanay din ang makakabasa siguro isa lang sasabihin nya… “Alam ko ang nararamdaman mo.. Pareho lang tayo!” happy ako ate naj sa mga blogs mo anout motherworld.. At sad ako at the same time kasi matatapos na ang minsan lang kita iibigin.. Mamimiss ko si Xander..

    Like

Love to read your insights here

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s